Nananatiling buhay ang alaala ng isang estudyanteng pumanaw sa aksidente nang dalhin ng kaniyang pamilya ang kaniyang standee sa graduation ceremony sa Sipocot, Camarines Sur.

Sa ulat ng GTV News "Balitanghali" nitong Miyerkoles, kinilala ang estudyante na si Philip Luistro, na pumanaw sa aksidente ilang linggo bago ang kaniya sanang pagtatapos sa Central Bicol State University of Agriculture Sipocot Campus.

Magtatapos na sana sa kursong electronics technology si Luistro nang masawi siya sa aksidente habang nagmomotorsiklo.

Iniakyat ang standee ni Luistro ng kaniyang kapatid sa stage para tanggapin ang kaniyang medalya at diploma.

Kahit masakit sa kaniyang mga magulang ang sinapit ang anak, sinasandalan umano nila ang kaniyang mga natanggap na parangal para ipagpatuloy ang buhay. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News