Nagpaliwanag ang isa sa magkapatid na nahuli-cam sa viral video na nakasakay sa isang motorsiklo at may kinakaladkad na aso na patiwarik sa Laguna. Naawa umano sila sa aso na nasagasaan at iuuwi sana nila sa Quezon para alagaan kung nabuhay.
Sa ulat ni Andrew Bernardo sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Miyerkules, sinabing ang lalaking angkas sa motorsiklo at may hawak sa aso na nakita sa video ay Christian Punzalan, 26-anyos, mula sa Dolores, Quezon.
Nangyari ang insidente noong Biyernes ng hapon sa San Pedro, Laguna. Ayon kay Christian, nasagasaan ang aso at kinuha nila dahil naawa sila.
"Nakakita nga po kami ng asong nasagasaan, amin pong sinimot gawa ng kami ay naawa at mangangamoy lang sa kalsada, magigiik nang magigiik ng sasakyan," ayon kay Christian.
Sinabi pa niya na hindi niya nahawakan nang maayos ang aso pero balak daw nila itong alagaan kung nabuhay.
Itinapon umano nila ang aso sa ilog nang namatay ito.
Nagsisisi raw si Christian sa kanilang ginawa, at nakiusap siya na huwag nang ituloy ang kaso laban sa kanila ng kaniyang kapatid na si Joshua, 23-anyos.
Nahaharap ang magkapatid sa reklamong paglabag sa Animal Cruelty Act na isinampa laban sa kanila ng Animal Kingdom Foundation.
"Hindi po kami naniniwala na ang aso ay patay na. Very clear and obvious po dun sa video na gumagalaw pa po yung aso. May buhay pa ito that being said, clear cruelty and maltreatment have been committed then. They should be held liable under the law for violation of the Animal Welfare Act," ayon kay Atty. Heidi Caguioa, program head, Animal Kingdom Foundation.
Umapela rin ang grupo sa uploader ng video na tumayo sanang testigo sa kaso. --FRJ, GMA Integrated News