Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pagkawala ng isang pulis sa Bukidnon na kinalaunan ay nakitang patay sa isang ilog sa Wao, Lanao del Sur.
Sa ulat ni Cyril Chaves ng One Mindanao sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, kinilala ang pulis na nasawi na si Patrolman Jeffrey Dabuco, 31-anyos, nakatalaga sa Kalinangan, Bukidnon.
Biyernes nang huli siyang nakita ng kaniyang mga kasamahan sa kanilang kampo bago nawala. Nitong nakaraang Martes, nakatanggap ng impormasyon ang Kalinangan Police tungkol sa bangkay na nakita sa ilog sa Wao.
Kinilala ng kapatid ng biktima na ang nawawalang pulis ang natagpuang bangkay na nakitaan ng sugat sa ulo.
Inaalam ng mga awtoridad kung sinadya o aksidente ang sugat na tinamo ng biktima.
"Last siyang nakita sa loob ng kanyang quarters sa patrol base," ayon kay Police Major Joann Navarro, spokesperson ng Police Regional Office-10.
"Importante na ating tingnan at malaman kung ano ba talaga ang nangyari before, during, and after na nadeklarang missing siya," dagdag niya.
Inilagay naman sa restrictive custody ang siyam na pulis na huling nakasama ni Dabuco bago siya nawala.
Aalamin ng mga awtoridad kung totoo ang impormasyon na may dating alitan si Dabuco sa mga kasamahang pulis.—FRJ, GMA Integrated News