Bangkay na nang matagpuang palutang-lutang ang isang lalaki na nadisgrasya kasama ang kaniyang kalabaw matapos tumaas ang lebel ng tubig sa ilog sa Polomolok, South Cotabato.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, na iniulat din sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing hinihila noon ng lalaki kasama ang kaniyang kalabaw para hindi maanod sa gitna ng masamang panahon.
Sumabay pa ang malakas na hangin at ulan sa lugar, kaya natumba ang ilang puno at natuklap ang ilang bubong.
Kasalukuyang nagsasagawa ng clearing operations ang MDRRMO Polomolok.
Sa Lamitan City, Basilan naman, stranded ang ilang motorista at pasahero dahil sa ulan.
Sinabi ng PAGASA na dulot ng Intertropical Convergence Zone at localized thunderstorms ang pag-uulan sa Mindanao. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News