Patay ang isang lalaki na nag-amok at nagtangkang sumaksak ng isang pulis matapos siyang barilin ng mga awtoridad bilang pagdepensa sa Oton, Iloilo.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, sinabing nagwala sa plaza ang 36-anyos na lalaki na may dalang kutsilyo.

Tinangkang kausapin ng pulisya ang lalaki, ngunit sa halip na kumalma, sinugod ng lalaki ang isang pulis at tinangka niya itong saksakin.

Dito na nagdesisyon ang mga awtoridad na barilin ang lalaki.

Dinala sa ospital ang lalaki ngunit nasawi rin kalaunan.

Pinag-iisipan ng pamilya ng lalaki kung magsasampa ng reklamo laban sa mga pulis.

Nakahanda naman ang Oton Police na harapin ang anumang reklamo. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News