Patay ang isang 25-anyos na negosyante matapos siyang barilin ng riding-in-tandem sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si John Paul Martinez, binata.

Sa kuha ng CCTV sa  Barangay Quezon District, makikita ang pagtigil ng mga salarin sa harapan ng coffee shop na pagmamay-ari ng biktima.

Bumaba ang nakaangkas sa motorsiklo at malapitang binaril ang biktima na dahilan ng pagkamatay nito.

Labis ang hinanakit ng ama ng biktima na si Marius Gonzales, na nais mahuli ang mga salarin at utak sa krimen.

"Kabata-bata pa nung anak ko. Binata pa siya, 25 pa lang. Wala naman siyang kaaway," saad ni Marius.

Inilarawan ng pamilya na mabait at masipag na bata ang biktima.

Ayon sa pulisya, tukoy na nila ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek na nakasakay sa motorsiklo.--FRJ, GMA Integrated News