Nadakip ng mga awtoridad ang limang lalaki na edad 15 hanggang 17 na suspek sa pagtangay ng isang sasakyan sa Biñan City, Laguna.
Sa ulat ni Andrew Bernardo sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Miyerkules, sinabing natimbog ang mga suspek sa Barangay Canlalay noong Linggo ng hapon bago maibenta ang tinangay nilang sasakyan.
Ayon sa pulisya, isang 19-anyos na babae ang nagreklamo sa kanila makaraang mawala ang kotse nito habang nasa sa isang resort sa nasabing linggo.
Kuwento ng biktima, unang nawala ang mga bag nila ng kaniyang mga kaibigan na nasa cottage. Nasa loob umano ang kanilang cellphone, pati na ang susi ng kotse.
Nang puntahan umano ng biktima ang paradahan sa resort, wala na ang kaniyang sasakyan.
Sa tulong ng Highway Patrol Group at nakuhang impormasyon, natunton ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng mga suspek na ibebenta na umano ang mga natangay na cellphone at ang sasakyan.
Ayon sa pulisya, magkakaibigan ang mga suspek pero hindi umano konektado sa isang malaking grupo ng mga carnapper.
Nasa pangangalaga ng social welfare department ang mga suspek na sinusubkan pang makuhanan ng pahayag, ayon sa ulat.
Sasampahan ng reklamong carnapping ang mga suspek.--FRJ, GMA Integrated News