Umabot na sa 14 ang kaso ng Japanese encephalitis ang naitala sa Iloilo ngayong taon, ayon sa Provincial Health Office.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas nitong Martes, sinabing apat sa mga kasong ito ang namatay.
Ang Japanese encephalitis ay isang uri ng viral disease na nata-transmit sa tao sa pamamagitan ng kagat ng infected na lamok. Mataas daw ang fatality rate nito na nagdudulot ng kumplikasyon sa nervous system.
"Ang virus ay dala ng Culex na lamok, infected Culex na lamok na malalaki at karaniwang makikita sa bakuran, lalo na ang mga nag-aalaga ng baboy at rice field," sabi ni Dr. Maria Quiñon, provincial health officer ng Iloilo.
"Kapag na-infect ang tao, puwedeng maapektuhan ang kaniyang brain at spinal cord," dagdag pa niya.
Batay sa mga pag-aaral, karaniwang nakararanas ng flu-like symptoms ang mga na-infect ng Japanese encephalitis.
"Lalagnatin ka or magkaka-chills, masakit ang ulo o tiyan, at parang masusuka ka o susuka ka talaga. Feeling nila parang nanghihina ang katawan nila," ani Quiñon.
Ayon sa mga doktor, ang sinumang nakararanas ng mga sintomas ay kinakailangang magpakunsulta agad.
Sa kabila ng mga naitalang kaso, nilinaw ng otoridad na walang outbreak ng naturang sakit sa probinsiya. —KBK, GMA Integrated News