Dead on the spot ang isang lineman sa Talisay City, Cebu matapos makuryente sa live wire, ayon sa ulat ni Nikko Sereno ng GMA Regional TV Cebu sa Unang Balita nitong Martes.

Nagkakabit ng linya ng internet ang biktimang si Ral Estellore nang aksidente niyang mahawakan ang isang live wire sa Barangay Tabunok nitong Lunes.

Ayon sa kasamahan, hindi nakasuot si Estellore ng high tension gloves nang umakyat sa poste.

Nahawakan daw ni Estellore ang fiber optic line na katabi ng isang high voltage electrical wire kaya ito nakuryente.

Nahulog si Estellore mula sa poste na may taas na 20 talampakan. Nagtamo siya ng third degree burns sa kaniyang mga kamay.

"Mag-conduct pa rin tayo ng investigation. Then, meron din tayong automatic conduct ng autopsy, depende pa rin sa family," ani Police Lieutenant Colonel Randy Caballes, hepe ng Talisay City Police Station. —KBK, GMA Integrated News