Isa ang nasawi, habang tatlo ang sugatan sa ginawang pananaksak ng isang lalaki na nagsabi sa kaniyang live-in partner na pagod na siyang magpadyak. Ang suspek, nagpunta pa sa isang barangay hall para ipaalam ang gagawin niyang krimen.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Lunes, kinilala ang naarestong suspek na si Rey Pilapil, 40-anyos, padyak driver, at residente ng Barangay Bantayan.
Habang dalawa sa mga nasugatan ay sina Jessie Malanog, at Condi Soriano, parehong pedicab driver din sa nabanggit na barangay.
Nag-iinuman umano sina Malanog at Soriano sa gilid nang kalsada nang bigla na lang pagsasaksakin ni Pilapil.
Duguan na nakitang nakahandusay sa gilid ng kalye ang dalawa at isinugod sa ospital.
Matapos ang krimen, tumakas ang suspek sakay ng pedicab at nagtungo sa Barangay Pugo kung saan dalawang tao ang sinaksak nito.
Ayon sa pulisya, nakaligtas ang babaeng biktima ni Pilapil, pero nasawi ang isa pang lalaking biktima na napuruhan ng saksak sa dibdib.
Naaresto sa follow-up operation si Pilapil na hindi nagbigay ng pahayag.
Ayon kay Reynaldo Manaois, kagawad sa Barangay Bantayan, bago nangyari ang krimen ay nagtungo pa muna ang suspek sa barangay hall at isang utility personnel ang nakausap nito.
Sinabi umano ng suspek na mayroon siyang papatayin.
"Tapos biniro pa niya na kung gusto mo ikaw na lang ang papatayin ko. Sabi niya, ay hindi yata marami pa akong kakainin na kanin," sabi ni Manaois.
Sinabi naman ng kinakasama ni Pilapil na wala naman sila pinag-awayan at wala siyang alam na kaaway ng suspek. Posibleng dala lang umano ng kalasingan ang nangyari.
"Wala naman siyang problema. Ang sabi niya lang sa akin napapagod na raw siyang magpadyak," ayon kay Maribel Bautista. "Kasi Father's Day nga nag-inom siya. Yun lang, wala naman kaming alitan, wala naman siyang kaalitan."
Inihahanda na ang mga kasong isasampa sa suspek.--FRJ, GMA Integrated News