Natagpuan na nakabalot sa trapal ang duguang bangkay ng isang babaeng kasambahay sa Davao City nitong Linggo. Ang suspek, ang 70-anyos na babaeng amo ng biktima na nahuli-cam sa CCTV camera habang hinahatak umano ang bangkay ng kasambahay na nasa trolley.

Sa inilabas na pahayag ng Davao City Police Office, sinabing nakita ang bangkay ng 29-anyos na biktima sa isang subdibisyon sa Cabantian, Buhangin sa nasabing lungsod.

"Perusing the footages from the CCTVs at the vicinity, it was determined that one (1) woman was seen dragging a cart covered with a canvass (trapal). It was further determined that inside the canvass was the body of the victim. The footages helped in the identification of the suspect," ayon sa pulisya.

Sa pangunguna ng Police Station 5-Buhangin, sinabing naaresto na ang suspek.

"The Davao City Police Office strongly condemns this crime and will not hesitate to impose the full force of law to whoever is caught doing illegal act or crime," ayon sa pahayag.

Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, kinilala ang bilang na si Shella Lagsaway Han-ay, mula sa Davao Occidental.

Samantalang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek na si Nenita Pagatpatan.

Ayon sa isang saksi, inakala na basurang itinapon sa gilid ng daan ang biktima na nakabalot sa trapal.

Sinabi ni Police Major Joenel Paderio, hepe ng Buhangin Police Station, na itinanggi ng suspek na may kinalaman siya sa krimen.

Pero may nakitang trolley sa bahay nito gaya nang nakita sa CCTV habang hinahatak ang mabigat na tila bagay na nakabalot sa trapal.

May nakita umanong sugat sa likod ng ulo ng biktima at sa ilong.

Hustisya naman ang panawagan ng mga kaanak ng biktima. Anila, nagtrabaho sa Davao City ang biktima para matustusan ang pangangailangan ng dalawa nitong anak.

Anim na buwan pa lang na nagtatrabaho sa suspek ang biktima.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa sanhi ng pagkamatay ng biktima. Pero may nakita umanong bakas ng dugo sa ikalawang palapag ng bahay ng suspek. --FRJ, GMA Integrated News