Hindi umabot nang buhay sa ospital ang isang magsasaka na tinamaan ng kidlat habang nagtatanim ng palay sa bukid sa Sta. Lucia, Ilocos Sur.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Leo Rosimo, 42-anyos, residente ng Barangay Conconig West.

Inabutan pa ng mga awtoridad ang biktima na nakahiga sa palayan. Wala siyang malay at may nakitang dugo sa kaniyang tainga.

"Yung biktima nagtatanim ng palay. According sa report ng mga staff ko, walang kasama yung biktima. Pero nakita nila na nung kumidlat nang malakas, nakita nila na 'yon yung magsasaka ang natamaan," ayon kay Romeo Buenavista, Sta Lucia, DRRM Officer.

Isinugod sa pagamutan ang biktima pero hindi na siya umabot nang buhay.

Payo ni Buenavista, umalis sa mga open area kapag kumidlat lalo na sa lugar na may tubig dahil hindi ito ligtas.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang kaanak ng biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News