Sumisigaw sa sakit ang isang 18-anyos na babaeng rider matapos sumemlang ang minemanehong motorsiklo sa Batangas City. Ang biktima, hindi tumigil nang sitahin ng mga traffic enforcer.

Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente dakong 11:00 pm nitong Lunes.

Sa kuha ng CCTV camera, nahuli-cam ang rider na nag-counterflow sa MH Del Pilar St. kaya sinita siya at pinapatigil ng mga traffic enforcer.

Pero sa halip na tumigil, nagtuloy-tuloy sa pagtakbo ang babae hanggang sa dumulas ang minamaneho niyang motorsiklo.

Ayon sa rumespondeng awtoridad, matulin ang takbo ng motorsiklo nang dumulas sa gilid ng kalsada.

Dinala sa pagamutan ang rider dahil sa tinamong sugat sa aksidente. Sinisikap pang makuha ang kaniyang pahayag, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News