Kaagad na nasawi ang isang rider na nag-overtake umano at sumalpok ang minamanehong motorsiklo sa isang trailer truck sa Batangas City. Ang kaniyang mga mata, nais ng pamilya na i-donate.

Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente kaninang 2:00 am sa bahagi ng Barangay Bolbok.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumitaw na galing sa pinagtatrabahuhang resort sa Mabini, Batangas ang biktima, at papunta ng Maynila.

Ayon sa pulisya, nag-overtake umano ang biktima sa isa pang motorsiklo pero nakasalubong ang truck kung saan siya bumangga.

Bagaman may suot na helmet, pero hindi pa rin nakaligtas ang biktima dahil sa lakas ng pagkakabangga.

Ayon sa pamilya ng biktima, plano nilang i-donate ang mga mata nito sa eye center para makatulong sa iba.

"Kasi gusto kong magkaroon siya ng remembrance, may matulungan siya. Kahit wala na siya may maiwan siyang alaala," malungkot na pahayag ni Flor Solmoro.

Sinabi rin ng pulisya na nagkausap na ang magkabilang panig kaugnay sa nangyaring aksidente. --FRJ, GMA Integrated News