Dinakip ng mga awtoridad sa Angeles City, Pampanga ang isang ginang na pinagkakakitaan umano ang dalawa niyang menor de edad na anak sa online-kalaswaan. Ang mga bata, edad lima at 13.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing pinasok ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) Anti-Human Trafficking Division ang bahay ng suspek sa bisa ng search warrant.
Nakita ang mga kuha ng mga malalaswang litrato at video sa cellphone ng 30-anyos na ginang na dating overseas Filipino worker (OFW).
Ayon sa NBI, paulit-ulit na ginagawan ng kahalayan ng suspek ang limang taong gulang niyang anak na babae at 13-taong-gulang na anak na lalaki.
Nagpapalabas umano ng live online ang suspek para sa mga dayuhang nagbabayad sa pamamagitan ng e-wallet.
“Inano po ako na, ay hindi ko naman mahahawakan ‘yung anak mo. Gusto ko lang po ibigay yung pangangailangan niyo, lalong lalo na sa pag-aaral niyo,” anang suspek na si alyas “Jenny.”
Nanggaling pa raw sa Federal Bureau of Investigation (FBI) sa Amerika ang impormasyon na idinaan sa Philippine Internet Crimes Against Children Center (PICAC) kaya natukoy ang mismong pinanggalinggan ng mga malalaswang video ng online.
“Kasi meron sa Amerika na nahuli na isang Amerikano, nakakita ng mga material na may sexual exploitation of children nakita nila na Pilipino ang kausap ng Amerikano na ito,” saad ni Atty. Cath Nolasco NBI Anti-Human Trafficking Division Chief.
Nahaharap sa patong-patong na reklamo ang ina habang hawak na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kustodiya ng kanyang dalawang anak.
Mahaharap ang suspek sa mga reklamong paglabag sa anti-sexual abuse and sexual exploitation of children, anti-child abuse law, at trafficking in persons act. --Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News