Pinagbabaril at napatay ang isang jeepney driver habang namamasada sa Sto. Tomas City sa Batangas.

Sa ulat ni Deniece Abante sa Regional TV News nitong Martes, kinilala ang biktima na si Roel Catimbang, 40-anyos , residente ng Tanauan City, Batangas.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, binaril ng salarin na nakasakay sa motorsiklo ang biktima nang tumigil ang jeepney nito sa Barangay Anastacia sa Sto. Tomas.

"Nag-stop yung jeep dahil sa traffic. Mayroong unidentified suspect na bumaba sa isang motorsiklo na minamaneho rin po ng isa pang suspek, at bigla na lang nilapitan yung victim at pinagbabaril," ayon kay Police Lieutenant Colonel Rodel Ban-o, hepe ng Sto. Tomas City Police Station.

Mabilis na tumakas ang mga salarin papunta sa direksyon ng Calamba City.

Ayon kay Ban-o, sinabi ng asawa ni Catimbang na may bananggit ang biktima na may natanggap ito na pagbabanta sa kaniyang buhay.

"May maliwanag na po kaming motibo pero hindi ko muna madi-disclose. Basically in general personal yung motibo dito," anang opisyal.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya habang sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News