Arestado ang isa sa mga suspek sa pamamaril sa isang menor de edad na lalaki sa Nagcarlan, Laguna, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes.

Nahuli ang suspek na si Lester Cortez sa bayan ng Liliw. Nakuha sa kaniya ang isang motorsiklo at damit na suot niya noong mangyari ang krimen nung Martes ng hapon.

Ayon sa pulisya, hinarang ni Cortez ang motorsiklo ng biktima at inagaw ang kaniyang cellphone. Pagkatapos nito ay binaril ang biktima ng dalawa pang suspek na magka-angkas sa motorsiklo.

Iniimbestigahan na si Cortez para matunton ang dalawa niyang kasabwat.

Napag-alaman naman ng pulisya na ang menor de edad na biktima ay suspek sa panggagahasa sa apat niyang nakababatang kapatid. —KBK, GMA Integrated News