Nahuli-cam ang ginawang pagtugis ng mga awtoridad sa isang SUV sa Baguio City na ayaw tumigil kahit naka-hit-and-run na umano ng motorsiklo. Ang driver ng SUV, napag-alaman kinalaunan na retiradong pulis.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa GTV "State of the Nation" nitong Huwebes, makikita sa video na hinarangan ng mga pulis ang dadaanan ng SUV pero pilit pa rin itong lumusot sa bahagi ng Marcos Highway.

Pero bago pa tuluyang makalayo ang SUV, isang sasakyan ng mga pulis ang umatras at binangga ang SUV para huminto.

Bumunot na rin ng baril ang mga awtoridad bilang pag-iingat.

Napag-alaman ng mga awtoridad na retiradong pulis ang driver ng SUV at lasing.

Pinagbantaan din umano ng suspek na babarilin ang sakay ng motorsiklo na kaniyang nasagi.

Walang pahayag ang suspek na nakadetine sa himpilan ng pulisya na sasampahan ng patong patong na reklamo. --FRJ, GMA Integrated News