Nasawi ang isang baka na nagkakahalaga ng P85,000 matapos umanong tamaan ng kidlat sa Vintar, Ilocos Norte.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabi ng kapitan ng Barangay Isic-Isic na nasa ilalim ng puno ang baka nang mangyari ang insidente.

Kumulog at kumidlat noon bago bumuhos ang malakas na ulan.

Nangangamba ang ilang magsasakang nag-aararo matapos ang insidente.
Dahil din dito, pinag-iingat ng kanilang MDRRMO ang mga residente.

Nagpayo ang Office of Civil Defense na sa tuwing may kidlat, umiwas sa paggamit ng mga dekuryenteng gamit at mga bagay na gawa sa metal kung nasa loob ng bahay o gusali.

Lumayo rin sa mga kawad ng kuryente.

Kapag nasa labas naman, sumilong agad sa loob ng pinakamalapit na bahay o gusali. Maaari ring sumilong sa loob ng sasakyan at isara ang bintana.

Iwasang hawakan ang metal na bahagi ng sasakyan, at huwag bubuksan ang radyo o anumang dekuryenteng gamit, at lumayo sa mga bagay na posibleng daluyan ng kuryente.

Umiwas din sa mga basang lugar o maraming tubig, at lumayo sa mga matataas na bagay gaya ng puno, lalo na kung nag-iisa ito sa malawak na lupain. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News