Sugatan ang isang transwoman matapos pangtulungan umano ng mga miyembro rin ng LGBTQIA+ sa San Fernando, Pampanga.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabing may sumiklab na gulo sa gitna ng kumpulan ng isang grupo sa isang kalsada sa lungsod ng San Fernando.
Maririnig ang sigawan na tila ba umanong may sinasaktan.
Napag-alaman na isang transwoman ang pinagtutulungang sakatan ng ilang miyembro rin ng LGBTQIA+ community.
Kinilala ang biktima na si Kath Marie, na nagtamo ng sugat matapos pukpukin sa ulo at saksakin ng basag na bote ng mga nakaalitan.
Nasa ICU ng isang ospital ang biktima ayon sa ulat.
"Meron tayong na-identify na dalawa na suspek sa insidente, at sa susunod na mga araw ay magkakaroon pa ng mga identification ng ibang mga na-involve dito," pahayag ni Police Lt. Col. Preston Bagangan, hepe ng San Fernando City Police Station.
Natukoy na ng mga pulis ang hindi bababa sa limang suspek. —LBG, GMA Integrated News