Pumanaw nitong Miyerkules ng umaga si Negros Oriental Governor Carlo Jorge Joan “Guido” Reyes. Si Reyes na dating bise gobernador ng lalawigan ang pumalit na naiwang posisyon ng pinaslang na gobernador na si Roel Degamo.
Sa Facebook post, sinabi ni provincial administrator Karen Lisette Molas, na nakatanggap siya ng impormasyon mula kay Guihulngan City Vice Mayor Eunica Reyes, kaugnay sa malungkot na balita tungkol kay Gov. Reyes.
“About two and a half hours ago, I received a call from Vice Mayor Eunica Reyes. She informed me that the governor passed away this morning. I don't have the exact time of death yet, but I do know that it happened today in the morning,” ayon kay Molas.
Sinabi pa ni Molas na hindi siya awtorisado ng pamilya Reyes na ihayag ang detalye tungkol sa sakit at dahilan ng pagpanaw ng gobernador.
“I do hope his legacy in public service will live on and will inspire others to do the same,” dagdag niya.
Naging gobernador ng lalawigan ang noo'y nakaupong bise gobernador na si Reyes nitong nakaraang Marso, nang paslangin sa Pamplona ang nakaupo naman noon na gobernador na si Roel Degamo.
Sinabi ni Molas na nakausap na niya ang kasalukuyang bise gobernador na si Manuel “Chaco” Sagarbarria, na siya naman ngayong papalit sa puwesto ni Gov. Reyes.
Samantala sa isang pahayag, nagpaabot ng pakikiramay si Las Piñas Representative at Deputy Speaker Camille Villar, sa pamilya ni Reyes, na kanilang kapartido sa Nacionalista Party.
"We remember Governor Guido as a kind, dedicated and passionate leader who has tirelessly advanced the welfare of his constituents. His wisdom and experience in public service has helped strengthened the party," ayon kay Villar, na tagapagsalita ng NP.— FRJ, GMA Integrated News