Nasa mahigit 1,000 kilo ng tilapia ang sabay-sabay na inihaw bilang selebrasyon ng pagtatapos ng Farmers Month at bahagi ng ika-25 charter anniversary sa Kidapawan City.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing matapos ihawin, ipinakain ang mga tilapia sa residente.
Sa San Pablo, Laguna naman, nag-ihaw ng nasa 700 kilo ng tilapia para sa pagdiriwang ng Tilapia Festival.
Nanggaling pa ang mga fresh na tilapia mula sa mga Pitong Lawa ng San Pablo, na dinumog din ng mga taga-roon.
Sinabi ng Tourism Office na layon ng programa na mas tangkilikin pa ng mga mamamayan ang mga tilapia mula sa mga lawa ng lungsod. —LBG, GMA Integrated News