Kritikal ang lagay ng isang rider matapos na bumangga sa poste ang minamaneho niyang motorsiklo sa Bulacan. Ang biktima, nakitang sunog ang tiyan dahil sa "sumabog" na cellphone.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing comatose pa ang biktimang si Jhonelle Paches sa ospital matapos maaksidente sa Quirino Highway sa San Jose Del Monte, Bulacan.

Ayon sa traffic enforcer na si Sharwen Ching-Tai, nakita niyang walang malay na nakahandusay sa kalsada si Paches noong Linggo ng umaga, may sunog sa tiyan, at nasa tabi niya ang sunog na cellphone.

“Pumasok sa isip ko nag-short yung phone niya nagkaroon ng paso ang dito niya, dahil sa cellphone na napaso nawalan ng control yung driver,” paliwanag ni Ching-tai.

Tugma naman daw ito sa kuwento ng mga kaibigan ng biktima nang ipaalam sa pamilya ni Paches ang nangyari.

“On the scene po nakita nila wala nang malay ang kapatid ko at ‘yung cellphone na pumutok nakadikit pa po sa tiyan niya,” saad ng kapatid ng biktima na si Jhonalie.

Sa lakas ng pagkakabangga ng biktima sa poste, nasira ang motorsiklo nito at pati na ang suot na helmet.

“Comatose pa rin po talaga siya hanggang ngayon, meron po siyang hematoma sa utak. ‘Yung sunog po niya meron siyang third degree burn dahil sa pagputok ng cellphone,” ayon kay Jhonalie.

Paliwanag ng isang electrical engineer, maaaring nabasa ng pawis ang baterya ng cellphone na dahilan para sumabog ito.

“Nabasa yung battery pumasok yung pawis doon sa battery so once na pumasok yung positive negative didikit yun nagkaroon ng explosion,” ayon kay electrical engineer Norman Oblanca.

Mas peligroso rin umano ang pawis na makabasa sa battery kumpara sa tubig o ulan.

"Lahat ng maalat like pawis 'yan malakas mag absorb ng current ‘yan,” dagdag ni Oblanca.

Payo ng mga kinauukulan sa mga motorista, gumamit ng belt bag o anumang puwedeng paglagyan ng cellphone kapag bumibiyahe.

“Huwag nating ilagay sa katawan natin lalo na pag nagmotor ka at sa kasikatan ng araw maaring maulit ito,” paalala ni Bobby Esquivel, Director, City Traffic Management and Sidewalk Clearing Operations. —FRJ, GMA Integrated News