Sumuko na ang dalawang suspek sa pamamaril at pagpatay sa isang traffic enforcer sa Tanza, Cavite. Ang biktima, sinita ang dalawang suspek na nakasakay sa motorsiklo dahil nakainom umano.
Sa inilabas na pahayag ng Cavite Police Provincial Office nitong Martes, sinabing sa tulong ng isang punong barangay, sumuko ang mga suspek na sina Joseph Llagas at Aries Carlos, kaninang umaga kay Cavite Governor Jonvic Remulla.
Suspek ang dalawa sa pamamaril at pagpatay sa traffic enforcer na si William Quiambao, na nagtamo ng tatlong tama ng bala ng baril sa ulo.
Batay sa lumabas na ulat, pinara ng biktima si Llagas dahil sa pagmamaneho ng motorsiklo habang lasing umano.
Nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawa hanggang sa may kinuhang baril si Llagas sa kaniyang kasama at pinaputukan si Quiambao ng ilang ulit.
Ayon kay Cavite police chief Police Colonel Christopher Olazo, patuloy nilang tutukan ang kaso.
“The person who surrenders to authorities sends a strong message that lawbreakers will not be tolerated and that those responsible for such behavior will be held accountable for their actions,” anang opisyal. —FRJ, GMA Integrated News