Nabisto ang modus ng ilang nagtitinda sa palengke sa General Santos City na haluan umano ng dugo ng baboy ang kanilang tindang mga isda para magmukhang sariwa.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao sa GTV Balitanghali nitong Huwebes, makikita ang Facebook post ng General Santos City LGU tungkol sa natanggap nilang impormasyon mula sa City Market Vendors Association kaugnay sa hindi tamang gawain ng ilang nagtitinda sa palengke.

Apat na nagtitinda ang nahuli at ipinasara ang kanilang mga tindahan. Pag-aaralan pa ng mga awtoridad kung babawiin na rin ang kanilang kontrata sa upa sa palengke.

Nagbabala pa ang mga opisyal na huhulihin din ang iba pang tindero at stall holder na may ganitong modus.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News