Arestado ang umano’y kasabwat ng isang Registry of Deeds official sa Samar sa pangiikil umano ng P500,000 kapalit sa pagproseso ng titulo.
Sa ulat ni John Consulta sa “24 Oras,” na-corner sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) Samar sa Catbalogan City si Ruth Reynera, kasabwat ng inirereklamong official ng Registry of Deeds sa lugar.
“Hiningan na at hihingan pa para mailabas lang yung titulo ng kaniyang lupa. Nag-conduct ng surveillance kung sino mang involved sa modus at ayun nga po napatunayan po natin na mukhang ganito na po ang kalakaran sa Registry of Deeds. May mga nakausap na tayo na ganoon din ang nangyari sa kanila,” ani Reginal Director NBI Eastern Visayas, Attorney Jun Dongallo.
Sa gitna ng operayson, itinawag ng complainant sa kausap niyang opisyal ng Registry of Deeds na naibigay na niya ang pera kay Ruth.
Matapos nito ay agad ni-release ang titulo ng complainant at nagpunta ang NBI sa opisina ng Registry of Deeds pero nakaalis na raw ito nang dumating ang mga agents.
“Ni-inquest ‘yung tao na tumanggap ng pera for robbery extortion in conspiracy with her principal na yung government official ng Registry of Deeds dahil nga po kasama sa modus yung official ng Registry of Deeds. Nag-file din tayo ng antigraft, violation of Republic Act 3019, Anti-Graft and Corrupt Practices Act. Ito po ay para hindi na po pamarisan itong government official na ito at pigilan po yung ganitong pangaabuso sa ating mga kababayan,” ani Dongallo.
Sinisikap pang makuhanan ng GMA Integrated News team ang panig ng naarestong suspek at ang Registry of Deeds official. — Sherylin Untalan/DVM, GMA Integrated news