Hindi malaman ng isang nagdadalamhating ginang sa Batangas kung papaano sila magsisimulang muli ng walo niyang anak na mga bata. Ang kanila kasing padre de pamilya, nasawi matapos salpukin ng truck habang nagmamaneho ng motorsiklo.
Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Miyerkules, sinabing nasawi ang biktimang si Marlon Derama, 35-anyos, nang salpukin siya at maipit ng truck na minamaneho ni Basilio Fabro sa Macalintal Avenue sa bahagi ng Poblacion 1 sa San Jose, Batangas.
Sa kuha ng CCTV camera sa lugar, mapapansin na sumampa na sa bangketa ang isang kotse para makaiwas sa makakasalubong na truck.
Ang truck, kumabig sa kabilang direksiyon at bumangga sa pader.
Ayon kay Police Major Hazel Luma-Ang Suarez, hepe ng San Jose Police Station, naiwasan ng truck ang kotse at iba pang sasakyan pero nahagip nito ang nasa unahan niya na si Derama.
Kaagad na nasawi si Derama dahil sa matinding pinsala na tinamo sa iba't ibang bahagi ng katawan.
Ang asawa ng biktima na si Laarni, hindi malaman kung papaano magsisimula ngayong wala nang katuwang sa buhay para sa pagpapalaki ng walo nilang anak.
"Kasi siya ang naghahatid-sundo sa anak ko, siya ang nagluluto, siya ang nag-iintindi sa mga anak ko kasi parehas po kaming may trabaho. Mahirap po ang walang katuwang," malungkot na pahayag ng ginang.
Nakadetine naman ang driver na si Fabro, at humihingi siya ng tawad sa sinapit ng biktima.
Giit niya, hindi niya gusto ang nangyari at nasa kondisyon naman ang truck na bigla raw nawalan ng preno.
"Sana mapatawad ako. Hindi naman sinasadya yung nangyari sa kaniyang asawa," mensahe ng driver.
Ayon sa sa pulisya, nakipag-ugnayan na ang kompanya ng truck para sa gastusin sa pagpapalibing sa biktima.--FRJ, GMA Integrated News