Ipinaalala ng lokal na pamahalaan ng Mangaldan, Pangasinan na libre at hindi dapat magbayad ng parking fee ang mga motorista kapag nasa pampublikong lugar gaya ng plaza.
Ginawa ang paalala kasunod ng mga reklamo ng ilang motorista dahil may mga naniningil umano ng parking fee sa mga pampublikong lugar.
Sa ulat sa Russel Simorio sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Huwebes, ipinakita ang social media post ng isang motorista na nagreklamo kaugnay ng lalaking nanggugulo at naniningil umano ng parking fee sa plaza ng Mangaldan.
Nagkomento naman sa naturang post ang iba pang motorista na nabiktima umano ng mga naniningil ng parking fee sa mga pampublikong lugar.
Nakarating sa tanggapan ng alkalde ang naturang reklamo kaya inatasan nito ang Public Order and Safety Office (POSO) at pulisya na tugunan ang problema.
Ayon sa POSO, isang lalaki ang nahuli sa akto na naniningil ng parking fee. Pinagsabihan ito at binigyan ng babala na tutuluyan nang kasuhan kapag nahuli ulit.
Paalala ng POSO, walang parking fee sa mga public parking area maliban na lang sa mga pribadong paradahan.
"Kapag nasa public [area] wala po silang babayaran at huwag na huwag silang magbabayad o magbibigay," sabi ni Renato Gubatan Jr., traffic supervisor, PSO-Mangaldan.--FRJ, GMA Integrated News