Kinagigiliwan ng mga turista at kolektor sa Sibalom, Antique ang mga handmade na puno na may mga makukulay na piraso ng bato na tinatawag na “gem tree.” Saan nga ba nakukuha ang gemstones na ginagamit sa mga ito, at legal ba itong pulutin?
Sa IJuander, sinabing patok na noon pang dekada '80s ang mga souvenir na gem tree.
Kilalala ang Sibalom bilang “Gem Stone Capital of the Philippines.” Dito makikita ang Mau-It River, na tinawag ding “Rainbow River” dahil sa iba’t ibang gem stones o hiyas na matatagpuan sa paligid nito.
Para kay Engr. Jonathan De Gracia, General Manager ng Sibalom Water District, maituturing na pambihirang yaman na lalo pang nagpapaganda sa lugar ang mga makukulay na bato sa paligid ng Mau-It River.
Si Reynald “Dodoy” Rubino, na nakatira sa isang barangay malapit sa ilog, ay isang gem tree artist na binubuo ang kaniyang mga obra mula sa mga gem stone o batong hiyas na kaniyang napupulot sa isa namang karatig-ilog.
Mahigit dalawang dekada na ang nakaraan nang magsimula si Rubino sa paggawa ng gem tree, at naipasa niya na rin ito sa apat niyang anak.
Mabenta sa mga turista at kolektor ang mga gem tree sa halagang P50 hanggang P3,000.
May pahintulot si Rubino sa lokal na turismo at munisipalidad, at dati na niya itong ikinabubuhay kaya mayroon siyang business permit.
Hindi rin siya kumukha ng gemstones sa itaas ng ilog dahil idineklara itong “municipal natural heritage.” —LBG, GMA Integrated News