Nanghinayang ang ilang residente matapos itapon na lang sa gilid ng kalsada sa Ambaguio, Nueva Vizcaya ang isang truck ng kamatis dahil sa napakababang bentahan at oversupply.
Sa ulat ng Balitanghali nitong Martes, sinabing nasa P5 hanggang P10 kada kilo na lang ang bentahan ng kamatis sa isang agricultural terminal doon.
Dahil dito, itinapon na lamang ang mga maliliit o hindi mga pinagpilian na hindi naibenta na kamatis.
Nagkaroon din ng oversupply matapos magsabay-sabay na magbenta ang mga nagtatanim ng kamatis.
Nanawagan ang mga nagbebenta ng kamatis na matulungan sila ng gobyerno.
Ayon sa ilang residente sa lugar, maaari pa namang pakinabangan, iluto o gawing tomato sauce ang mga itinapong kamatis. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
Mga kamatis, itinapon sa gilid ng kalsada sa Nueva Vizcaya dahil sa mababang presyo at oversupply
Abril 11, 2023 3:04pm GMT+08:00