Laking tuwa ng isang 62-anyos na senior citizen sa muling pagbabalik ng taunang pagpapapako sa krus sa San Pedro Cutud sa San Fernando, Pampanga, na kaniya nang panata tuwing Biyernes Santo.
 
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing ipinahinto noon ang taunang pagpapapako sa krus ng lokal na pamahalaan noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
 
Ngunit masaya si Ruben Enaje dahil muli na niyang magagawa ang kaniyang panata.
 
“Masaya ako dahil lumipas na naman ang isang taon na walang nangyari sa aking pamilya dahil lagi nating ipinagdadasal kapag tayo ay nakapako sa krus,” sabi ni Enaje.
 
Tatlumpu't apat na beses nang ipinako si Enaje noon bago ito ipinagbawal dahil sa pandemya.
 
Ipinako si Enaje sa krus gamit ang mga pakong may habang dalawang pulgada, na minartilyo sa kaniyang mga kamay at paa.
 
May kasama rin si Enaje na dalawang itinali lang sa krus gamit ang mga lubid.
 
“Because this is my vow to God, to do it, until I can, yes, until I can, [as long as] my body is in good condition, I do it,” sabi ni Enaje.
 
Matapos ipako sa krus, ibinaba rin si Enaje saka inakay ng tatlong babaeng nakabihis bilang sina Inang Maria, Maria Magdalene at Salome.
 
Sinabi ng mga awtoridad na nagsimula ang tradisyong ito noon pang 1955.
 
“We have to be mindful and respectful of the local heritage that we have, especially in Barangay San Pedro Cutud, they have been doing it since 1955. And similarly, for the other traditions they’ve been there since the 1960s,” sabi ni Ching Pangilinan, San Fernando tourism officer.
 
Dagdag pa ng lokal na pamahalaan, ginagalang nila ang paniniwala ng kanilang mga kababayan.
 
“It’s not that we are encouraging this, but we’re here to intervene and ensure the health, safety and security of the participants and respect the local traditions of the people of San Fernando,” sabi ni Pangilinan. —VBL, GMA Integrated News