Arestado ang isang ginang sa Paniqui, Tarlac dahil sa pagkatay umano sa mga aso at pagbebenta ng karne nito sa palengke.

Kinilala ang suspek na si Teresita Barogo, ayon sa esklusibong ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Martes.

Inaresto ang suspek ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police sa tulong ng Animal Kingdom Foundation (AKF).

Ayon sa AKF, isang concerned citizen ang nag-tip sa kanila tungkol sa gawain umano ng suspek.

Ilang linggo raw na tiniktikan ng AKF ang suspek at nakipag-ugnayan sila sa CIDG.

Sa pagpunta nila sa compound kung nasaan ang suspek, tumambad sa kanila ang isang lalagyan na may pitong kilong karne ng aso. 

May ilan pang mga aso na buhay na naroon sa compound.

"Napag-alaman nga namin na nangongolekta 'yan ng aso 'yan, naghahanap talaga pagkatapos kinakatay nila at tinitinda sa palengke. Minsan nga nakahalo pa daw ang karne ng kambing," ani Atty. Heidi Caguioa ng AKF.

"Kung hindi ka masyadong marunong, hindi mo na alam kung karne ito ng kambing o karne ito ng aso," dagdag niya.

Nag-test buy daw ang mga awtoridad at mismong ang National Meat Inspection Service ang nagkumpirma na karne ng aso ang itinitinda ng suspek.

Katuwiran ng suspek, wala silang pangkabuhayan at kailangan nila ng pambili ng gamot ng kanilang apo na kalalabas lang sa ospital.

Inamin ng suspek na ibinebenta niya ang karne ng aso sa palengke.

Ayon sa AKF, limang taon nang business ito ng suspek at ang asawa raw nito ang tagakatay.

Umaabot sa limang aso ang kinakatay sa compound araw-araw, dagdag nila.

Samantala, dinala na ng AKF ang mga buhay na aso na nasa compound sa kanilang rescue and rehabilitation center sa Capas, Tarlac.

Nasa kustodiya na ng CIDG ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa Animal Welfare Act.

Panawagan naman ng AKF ay itigil na ang ganitong gawain.

"Itigil na po natin ang pagmamaltrato at pagpatay ng mga hayop for human consumption. Ang mga aso ay hindi pagkain. Ito po ay ating companion animals," ani Caguioa.

Posible rin daw na maging contaminated ng rabies ang karne ng aso at "baka ikamatay kung sinoman ang ma-infect," dagdag niya. —KG, GMA Integrated News