Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ng 90-araw ang lisensya ng driver ng kotseng nakabangga ng dalawang rider na kalahok sa isang endurance challenge sa Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabi ng LTO na hindi sumipot ang naturang driver sa ipinatawag nilang pagdinig.
Nangyari ang sakuna noong Pebrero sa San Esteban, Ilocos Sur, at nahuli-cam ang pagbangga ng driver sa dalawang rider na kasama naturang kompetisyon.
Sa naging pahayag umano ng driver sa pulisya, idinahilan niya na nasilaw siya sa mga ilaw ng motorsiklo. Pero lumabas umano sa medical certificate nito na nasa impluwensiya ng alak ang driver.
Bibigyan pa raw ng LTO ng pagkakataon ang driver para magpaliwanag.
Kasabay nito, pinagpapaliwanag din ng LTO ang organizer ng kompetisyon kung bakit hindi sila dapat papanagutin sa paglabag sa road safe rules and standards.
Wala pang pahayag ang grupo, ayon sa ulat.
Sinabi naman ng pulisya na nakauwi na ang dalawang rider na nabangga ng driver, na nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting to physical injuries and damage to properties.--FRJ, GMA Integrated News