Ilang mall goers-- kabilang ang ilang bata-- ang nasugatan nang biglang dumausdos pababa ang isang escalator na papaakyat sa Santa Rosa, Laguna.

Ayon sa ulat ni Andrew Bernardo ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, ipinakita ang nag-viral na video na nahuli-cam ang pangyayari.

Makikita na maraming tao ang nakasakay sa escalator nang bigla itong dumausdos. Ilang sakay ang nawalan ng balanse at natumba.

"Lahat ng nakasakay sa escalator nahulog, mga duguan po,” anang isang saksi.

Rumesponde naman daw agad ang mga security personnel ng mall para bigyan ng paunang lunas ang mga nasugatan.

"Yung anak ko sa Santa Rosa, naaksidente kahapon sa escalator pupuntahan ko kasi naka-confine sila dun,” ayon sa ina ng isang biktima.

Ayon sa pamunuan ng mall, agad na nakaresponde ang kanilang emergency response team at isinugod ang ilang nasugatan sa ospital.

Nagpapatuloy daw ang imbestigasyon upang malaman ang dahilan ng pagdausdos ng esculator.

Ininspeksyon na rin ng City Hall ang escalator at hinihintay na lang ang pormal na report patungkol sa insidente.

Nais ding matiyak ng lokal na pamahalaan na tutulungan ng mall sa pagpapagamot ang mga biktima, at malaman ang gagawin nitong hakbang para hindi na maulit ang insidente.--Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News