"Asawa” na kung maituturing ng isang 69-anyos na lolo ang kaniyang lumang camera, na limang dekada nang nagbibigay sa kaniya ng pagkakakitaan bilang litratista sa Baguio Cathedral.
Sa ulat ni Russel Simorio ng GMA Regional TV One North Central Luzon sa Baguio City, ipinakilala si Lolo Danilo Conse, na pinakamatandang litratista sa simbahan.
Kahit iika-ika na, hindi pa rin tumitigil si Conse sa pagkuha ng mga larawan ng mga dumarayong deboto sa simbahan.
“Mahal ko na rin itong trabaho na ito. ‘Yun ang kumikita nang kaunti, hindi naman ako puwedeng makapagtrabaho sa ibang mapapagtrabahuhan, matanda na ako,” sabi ni Conse.
Nag-umpisa si Conse mula pa noong dekada 70 gamit ang isang lumang camera, at ang dala-dala niyang kaunting diskarte sa pagkuha ng litrato.
“Mahal na mahal ko, parang asawa ko na ‘yan ‘yung camera ko, ‘yan ang bumubuhay sa pamilya ko… Hanggang sa kaya ko,” sabi ni Conse.
Pero sa dami at hindi na mabilang ng mga tao na kinunan niya ng larawan sa harap ng katedral, napag-alaman na si Lolo Cosme, wala pang larawan niya sa mismong simbahan.
Kaya naman ang GMA Integrated News na ang kumuha ng litrato si Lolo Cosme sa harap ng katedral.
Kinikilala naman ng lokal na pamahalaan ang malaking ambag sa turismo ng lungsod ang ginagawa ng mga litratista na katulad ni Conse kaya nararapat daw silang suportahan. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News