Inilahad ng Special Investigation Task Force Group na malapit nang maresolba ang kaso ng pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo. 

Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, sinabi ni Police Lieutenant Colonel Gerard Ace Pelare, tagapagsalita ng Special Investigation Task Force Group, na nakakuha na sila ng mahahalagang impormasyon mula sa apat na nadakip na salarin.

"During their custodial debriefing, the investigators, may mga nakuha po na mga substantial na information that would lead to the resolution of this case," saad ni Degamo.

Dagdag ni Pelare, malinaw na planado ang pamamaril kay Degamo, dahil pinag-aralan ng mga suspek ang schedule ng gobernador at itinapat nila ang pamamaril sa araw na tumatanggap siya ng mga bisita sa kaniyang bahay.

Sinabi ng Department of Justice na dalawa sa mga suspek ang posibleng ipasok sa Witness Protection Program.

Mahigpit ang pagbabantay ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa buong Negros Island para mahuli ang iba pang salarin.

Nauna nang inatasan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang Department of the Interior and Local Government at kapulisan, na tukuyin ang mga lugar na "hotspot."

Naniniwala rin sa Marcos na politika ang ugat sa pagpatay sa gobernador at walong iba pa.

Iginiit din ni Marcos na dapat mabuwag ang private armies, at kumpiskahin ang illegal firearms para matigil ang patayan.

Mga natitirang suspek, nasa Negros pa rin

 

Sa panayam sa Unang Balita nitong Martes, sinabi naman ni Pelare na nananatili pa sa Negros island region ang mga natitira pang suspek sa pagpaslang kay Degamo.

Sinabi ni Degamo na bukod sa tatlong inaresto at isang napatay, tinutugis pa rin ng pinagsanib na pwersa ng pulis at militar ang “more or less” limang iba pang suspek.

"Lahat ng entry and exit points dito sa [all the exit and entry points here in] Negros are being guarded because we believe that as of now they (suspects) are still in Negros island. They were not able to get out," saad ni Pelare.

Sinabi ni Pelare na naaresto ang tatlong suspek limang oras matapos ang insidente noong Sabado ng umaga.

Patay sina Degamo at limang iba pa habang namimigay ng tulong sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa kaniyang bahay sa Pamplona. Noong Linggo, sinabi ng mga awtoridad na umakyat na sa siyam ang mga nasawi.

Labingtatlo ang sugatan pa sa pag-atake.

Saad pa ni Pelare na tinitingnan nila ang lahat ng posibleng anggulo sa pagpatay kabilang ang matinding away politika.

“Since the start of the investigation, politics or intense political rivalry has always been one of our considerations," sabi niya.

Nakakuha na rin sila ng “substantial information” mula sa mga naarestong suspek, na kinabibilangan ng mga dating sundalo na inalis sa serbisyo.

Sinabi pa ni Pelare na nagbanggit na ng pangalan ang mga suspek at iniimbestigahan na sila ng mga awtoridad. —Jamil Santos/KG, GMA Integrated News