Sugatan ang isang lalaki na umano'y lasing matapos siyang mabundol ng isang motorsiklo habang tumatawid sa Dagupan City, Pangasinan. Ang rider ng motosiklo, tumilapon din.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Lunes, makikita sa kuha ng CCTV sa Barangay Bonuan Binloc ang isang lalaki na pinipigilan umano na tumawid.
Nagpapigil naman umano noong una ang lalaki pero muli siyang bumalik sa labas at doon na tumawid ng kalsada at itinataas pa ang kaniyang mga kamay.
Sa ikatlong pagtawid ng lalaki, doon na siya nahagip ng isang motorsiklo.
Tumilapon ang lalaki, gayundin ang rider ng motorsiklo.
"Hindi ko naman gustuhin na talagang banggain siya, sa kalasingan niya biglang tumawid na. Buti yung isa na motor [na nauna] yung hindi siya ang nakahagip," ayon sa rider na si Rolly Bautista na nabalian ng braso.
Ayon sa opisyal ng barangay, dati nang inirereklamo ang lalaki dahil sa pagtawid-tawid sa kalsada kapag nalalasing.
Sa Mangaldan, Pangasinan naman, isang pedicab na biglang tumawid sa kalsada naman ang nahagip naman ng isang tricycle.
Dahil sa nangyaring banggaan, bumaliktad pa ang tricycle.
Hindi naman lubhang nasugatan ang mga sakay ng pedicab at tricycle na nagkasundo na lang umano na mag-usap.--FRJ, GMA Integrated News