Nakitang palutang-lutang sa isang lawa sa Batangas ang katawan ng isang 58-anyos na ginang. Nangyari ang trahediya sa mismong araw pa man din ng kaniyang kaarawan.
Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV " Balitang Southern Tagalog" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Nenita Magno, residente ng Barangay Poblacion Tres sa Tanauan City.
Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na kaarawan ni Magno noong Miyerkules at nagkayayaan ang mag-anak na ipagdiwang ito at maligo sa lawa sa Barangay Gonzales.
"Makailang sandali hindi napansin nitong mga kasama ng biktima. Maya-maya nakita na lamang na palutang-lutang itong ating biktima, wala nang hininga," ayon kay Police Major Arwin Baby Caimbon, Deputy Chief ng Tanauan Police Station.
Kaagad umanong isinugod ng mga kaanak ang biktima sa ospital pero idineklara ng duktor si Magno na dead on arrival.
Ayon sa pulisya, ilang araw bago ang insidente, dumadaing umano ang biktima na masama ang pakiramdam.
Posible umanong inatake ang biktima pero tumanggi na raw ang mga kaanak niya na ipa-autopsy pa ang kaniyang mga labi.--FRJ, GMA Integrated News