Isang pang menor de edad na estudyante ang binaril at napatay ngayong Huwebes sa Pikit, Cotabato.
Sa ulat ng GMA News "Saksi," sinabing 15-anyos na lalaki ang bagong biktima.
Nagbabantay lang ang biktima sa kanilang tindahan nang basta na lamang binaril nang nakatakas na salarin.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad kung sino ang nasa likod ng pamamaril.
Dahil sa magkakasunod na insidente ng pamamaril na mga menor de edad na estudyante ang biktima, magpupulong umano sa Biyernes ang mga lokal na opisyal ng Pikit.
Una rito, isang 13-anyos na mag-aaral na pauwi na mula sa eskuwelahan ang binaril at napatay din noong Martes.
Nasugatan naman ang kasamahan niyang 12-anyos na estudyante.
Sa isang pahayag nitong Miyerkules, sinabi ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, na nakikipag-ugnayan sila sa National Security Adviser Eduardo Año at Department of National Defense Secretary Carlito Galvez Jr., para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin.
Inatasan ni Abalos na mismong si Philippine National Police (PNP) chief Police General Rodolfo Azurin Jr. ang manguna sa naturang imbestigasyon sa kaso na itinuturing niyang heinous crime.--FRJ, GMA Integrated News