Hinabol ng isang lalaki na may hawak na pamalong kahoy ang isang aso sa Bulacan, Bulacan. Nang abutan ng lalaki ang aso, pinaghahampas niya ito hanggang sa mamatay.
Ayon sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa "24 Oras," nakuhanan sa video ang paghabol ng lalaki sa aso na kaniyang pinaghahampas nang maabutan.
Kahit nakahandusay na ang aso sa gilid ng kalsada, binalikan pa ito ng lalaki at muling pinagpapalo hanggang sa tuluyan nang mamatay.
Paliwanag umano ng lalaki, walang nagmamay-ari sa aso at pagala-gala lang sa kanilang lugar. Marami na rin daw itong nakagat, at muntik na rin umano siyang kagatin.
“Sa sobrang takot ko po na baka sumunod pa ako na makagat. Kung hindi ko po nagawa 'yon, baka marami pa po sigurong na-ano,” depensa ng lalaki.
Ilalapit ng barangay sa kinauukulan ang kaso para malaman kung ano ang gagawin sa pumatay sa aso.
Ayon sa Philippine Animal Welfare Society, malinaw na paglabag ito sa Animal Welfare Act ang ginawang pagpatay ng lalaki sa aso.
Ang sinumang mapatunayang lumabag dito, maaaring humarap sa anim na buwan hanggang dalawang taon na pagkakakulong, at pagmumultahin ng hanggang P250,000.
Ayon sa Executive Director ng PAWS na si Anna Cabrera, veterinarian lang ang makakapag-desisyon kung papatayin ang aso. Nakadepende raw ito sa pisikal na kondisyon ng hayop, at kung may panganib itong dala sa tao.
“Kung makaka-intervene tayo o masigawan para matigil yung ongoing crime eh gawin natin. Pero kung sa pakiramdam natin ay malalagay tayo sa peligro, mas mabuting idulog agad sa pulis,” payo ni Cabrera.
Samantala, hinihikayat nila ang sinumang nakasaksi sa insidente na magsampa ng reklamo. Handa rin naman daw silang tumulong sa pagsusulong ng kaso. --Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News