Sugatan ang driver ng isang cement mixer truck nang bumigay ang tulay na kaniyang dinaanan na limang tonelada lang ang kapasidad sa Davao City.

Sa ulat ni Kent Abrigana sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente noong Lunes ng hapon sa Sangkay bridge sa West Manahan sa Barangay Marilog .

Ayon sa mga awtoridad, limang tonelada lang ang kapasidad ng tulay kaya light vehicles ang pinapayagang dumaan.

Sinabihan na umano ng mga tao sa lugar ang driver ng truck na huwag dumaan sa tulay na gawa sa bakal pero nagtuloy-tuloy pa rin ito.

Bumigay ang tulay nang nasa kalagitnaan na ang truck. Nasugatan ang driver pero nakalabas na ng ospital.

Ayon sa opisyal ng barangay, dating may nakalagay ang signage sa tulay na hanggang limang tonelada lang ang kapasidad nito pero nawala na sa katagalan.

Inihayag ng Davao City Engineer’s Office na aabot sa P5 milyon ang naging pinsala sa tulay.

Plano nilang sampahan ng reklamo ang kumpanya ng truck pero bukas din umano sila na makipagnegosasyon para maipaayos ang tulay.

Wala pang pahayag na ibinibigay ang kompanya ng truck, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News