Arestado ang 16 katao, habang mahigit 100 kalapati naman ang nasagip ng mga awtoridad na ginagamit umano sa ilegal na karera sa Bacoor, Cavite.
Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa “24 Oras” nitong Martes, sinalakay ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Cavite Provincial Field Unit ang isang residential area dahil umano sa ilegal na pustahan sa karera ng kalapati.
Kabilang sa mga naaresto ang ilang tumataya at organizer umano ng karera na si Angela Tangob, na tumangging magbigay ng pahayag.
Ayon sa pulisya, isinumbong ito mismo ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Animal Industry (BAI).
“Hindi sila kumuha ng permit, sinabayan pa ngayon ng illegal gambling,” pahayag ni Police Luitenent Colonel Benedick Poblete, Provincial Chief - CIDG Cavite.
Depensa naman ng ilan sa mga naaresto, sinabi sa kanila ng organizer na may permit ang karera at sumali lang para sanayin ang mga alagang kalapati.
“Nagte-training lang po kami ng ibon, hinahagis lang namin, no money involved po. May certificate po, pinakita sa amin. Eh hindi naman namin akalain na, hindi pala naka rehistro ang certificate na yun dito pa sa Bacoor,” ayon sa isang naaresto na si Alvin Lacson.
Kasama sa mga nakuha sa naturang operasyon ang mga pera na pangtaya umano at mga gambling paraphernalia,
Sa imbestigasyon ng CIDG, bibitawan sana ang mga kalapati sa Tagkawayan, Quezon at mag-uunahan makarating ang mga ibon sa kanilang mga kulungan sa Bacoor, Cavite.
“Kung nakuha mo na, ite-text mo ngayon yung maintainer, na nakarating na yung pigeon ko ng ganitong oras, ito ang picture niya,” ani Poblete.
Haharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Illegal Gambling Law at Animal Welfare Act.--Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News