Arestado ang isang mataas na opisyal umano ng New People's Army na may warrant sa kasong murder at paglabag sa Anti-Terrorism Act matapos manmanan ng mga awtoridad sa Tanza, Cavite.
Sa ulat ni John Consulta sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, kinilala ang suspek na si Rey Iniro, na isa umanong commander ng NPA sa Masbate.
Kinuha ng arresting team ang suspek matapos maharang ng blocking force ng National Bureau of Investigation ang kalsada sa Tanza.
Hinuli si Iniro ng NBI Cavite District Office North sa bisa ng dalawang warrant of arrest.
Naging palatandaan ang bukol sa likod ng kaniyang ulo para siya ay mahanap.
Nabawi mula sa suspek ang kaniyang cellphone at mga anting-anting na nasa kaniyang katawan.
Samantala, nakuha ang mga matataas na kalibre ng baril mula sa mahigit 30 miyembro ng NPA na sumuko sa Camarines Norte.
Kasama sa mga isinukong gamit sa National Capital Region Police Office ang ilang cellphones, bala at hand-held radios. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News