Sugatan ang tatlong tao at nasa 100 na mga bahay ang nasira dahil sa pananalasa ng buhawi sa ilang lugar sa Iloilo.
Batay sa report ng GMA Regional TV One Western Visayas, iniulat sa Unang Balita nitong Miyerkoles na nanalasa ang buhawi madaling araw noong Martes.
Sa lakas ng buhawi, nagtumbahan ang mga puno at nasira ang ilang mga bahay sa Barangay Sto. Domingo, at Barangay Sta. Cruz, Arevalo.
Nasugatan ang isang residente at ang kanyang 9-anyos na apo nang ma-trap matapos mabagsakan ng puno ang kanilang bahay.
Saglit lang daw na dumaan ang buhawi, pero sa tindi nito halos mapatumba ang mga dinaanan.
Sa datos ng City Social Welfare and Developement Office (CSWDO), halos 40 bahay ang nasira sa dalawang barangay.
Hindi rin nakaligtas sa buhawi ang mga bahay sa Barangay Alegre sa Oton, Iloilo. May mga natumba ring mga puno at poste ng kuryente.
Isang residente ang sugatan matapos matamaan ng yero sa ulo.
Ayon sa barangay council, mahigit 60 na bahay ang nasira ng buhawi.
Agad namang nagsagawa ng clearing operations sa mga apektadong lugar. —LBG, GMA Integrated News