Nasawi ang isang 16-anyos na lalaki matapos na saksakin sa likod ng salarin na sakay ng motorsiklo sa Nagcarlan, Laguna.

Sa ulat ni Mark Labaro sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Martes, makikita sa kuha ng CCTV camera na naglalakad sa gilid ng kalsada ang biktima kasama ang nobya at kaibigan.

Pauwi na raw ang biktima mula sa plaza nang biglang sumulpot ang dalawang lalaki na naka-hoody at sakay ng isang motorsiklo.

Bumaba ang angkas nito at mula sa likuran at sinasaksak ang biktima. Kaagad na sumakay muli sa motorsiklo ang suspek at tumakas.

Naisugod pa sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay dahil sa tinamong saksak sa likod.

Itinuturing suspek ng pulisya sa krimen ang 23-anyos na nakaalitan umano ng biktima.

Base raw ito sa cellphone na narekober ng mga awtoridad na lumilitaw na may matagal ng alitan ang suspek at biktima na nag-aaral sa parehong eskwelahan.

Sa kabila nito, humingi ng tulong sa publiko ang pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin na sakay ng motorsiklo.--FRJ, GMA Integrated News