Dalawa katao ang nasawi sa Clarin, Misamis Occidental bunsod ng pagbaha matapos ang walang tigil at malakas na pag-ulan nitong Pasko dulot ng shear line o pagsasalubong ng mainit at malamig na hangin.
Sa ulat ni Cyril Chaves ng GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing ang mga biktima ay isang lalaking persons with disability at isang 40-anyos na lalaki mula sa Barangay Pan-ay.
Ayon kay Clarin Mayor Jojo Roa, may mga dike raw na nasira sa lugar kaya mabilis na tumaas ang tubig baha.
Sa video, makikita ang isang babae na sinuong ang hanggang leeg na taas ng tubig-baha habang tumatawid sa kalsada.
Nalubog sa tubig ang ilang sasakyan, at mga puno na inanod ng agos patungo sa mga kabahayan.
Samantala, hanggang baywang na baha ang naranasan mga residente sa Barangay Talic sa Oroquieta City.
Dahil dito, nagsagawa ng rescue operations ang mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction Management Office.
Nagkaroon din ng force evacuation sa mga Barangay ng Tabok Norte, Canubay at Buntawan.
Nang lumiwanag na, tumambad ang matinding epekto ng baha sa malaking bahagi ng Tudela, Misamis Occidental.
Sa isang video, makikita ang baha sa Tudela Central School at pagkalubog sa baha ang isang gas station.
Sa isa pang video, lubog na sa tubig baha ang isang patrol car ng bayan at iba pang mga sasakyan.
Ayon sa Misamis Occidental PDRRMO, umabot sa pitong bayan ang inisyal na naapektuhan ng malawakang pagbaha kasama ang Jimenez, Clarin, Sinacaban, Aloran, Oroquieta City, Panaon at Tudela.
Kaya maraming mga kaanak at indibidwal ang pinalikas.
Samantala, nakaranas din ng mataas na baha ang ilang taga-Zamboanga Peninsula dahil sa walang tigil at malakas na ulan nitong Sabado ng gabi.
Sa inisyal na datos ng Zamboanga City DRRMO, mahigit 10 barangay ang naapektuhan ng biglaan at malawakang pagbaha.
Sa Lamitan City sa Basilan, labis na naapektuhan ng pagbaha ang mga Barangay ng Sengal, Limo-ok, Malinis at Matibay, na may mahigit na 1,338 na pamilya ang lumikas nitong Linggo ng madaling-araw.
Ayon sa CDRRMO Lamitan, unti-unti na ring bumabalik ang mga apektadong residente sa kani-kanilang mga bahay nang humupa na ang tubig baha.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News