Patay ang isang babae matapos na mabundol ng kotse sa Nasugbu, Batangas. Ang driver ng sasakyan, kusang inireport sa pulisya ang insidente.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente noong Miyerkules ng madaling araw sa highway sa bahagi ng Barangay Lumbangan.

Nabasag ang windshield at nayupi ang harapan ng sasakyan na minamaneho ni Barry Ilao.

Nagtamo ng matinding pinsala sa katawan at sugat sa ulo ang nasawing biktima.

Ayon sa pulisya, posibleng hindi napansin ng driver ang biktima dahil sa bilis ng takbo ng sasakyan, at maaring biglang sumulpot ang babae.

Ang driver mismo ng kotse ang nagreport sa pulisya sa nangyaring insidente. Samantalang hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng babae na nasa punerarya.

Hinikayat ng pulisya ng Nasugbu ang may nawawalang kaanak na posibleng nakakakilala sa babae na makipag-ugnayan sa kanila.

Sinampahan ng reklamong reckless imprudence resulting to homicide ang suspek, na sinisikap pang makuhanan ng pahayag, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News