Kalunos-lunos ang nangyari ang isang babae na apat na taong gulang sa Pangasinan na ginahasa at ginilitan umano ng kumpare ng kaniyang ama. Nakalakad pa raw ng ilang metro ang duguang biktima mula sa maisan kung saan nangyari ang karumal-dumal na krimen.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "One North Central Luzon," labis ang sama ng loob ng ama ng biktima dahil sa sinapit ng kaniyang anak na itinago sa pangalang "Lyka," ng Barangay Reynado.
"Hindi ko alam na mangyayari 'yon kaya sinisisi ko ang sarili ko. Sana mabigyan ng hustisya ang pangyayaring ito. Sana makulong habambuhay [ang salarin]," emosyonal na pahayag ng ama.
Ayon sa punong barangay na si Joselito Sabangan, maaaring binigyan umano ng suspek ng kendi ang bata kaya sumama ito sa maisan.
Ilang piraso ng kendi ang nakita sa maisan.
Inihayag ng ilang saksi na nakalakad pa ang biktima ilang metro ang layo mula sa pinangyarihan ng krimen.
Hindi na raw makilala ang hitsura ng bata na isinugod sa pagamutan pero binawian din ng buhay.
Ayon sa pulisya, nadakip ang suspek at lasing umano ito nang mangyari ang krimen.
Nakuha rin ang patalim na pinaniniwalaang ginamit nito sa paggilit sa bata.
Sasampahan ng kaukulang kaso ang suspek, na hindi pa raw makausap, ayon sa pulisya. --FRJ, GMA Integrated News