Isang lalaki ang nasawi matapos makuryente nang masagi niya ang live wire habang tumutulong sa mga bumbero sa paghila ng firehose sa Talisay City, Cebu. Ang biktima, tumulong kahit hindi apektado ng sunog ang kanilang bahay.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc ng GMA Regional TV News nitong Martes, kinilala ang biktima na si Jonard Requilme, na ayon kaniyang ina na si Jollyve, ay sadyang matulungin.

Natutulog daw noon si Jonard sa isang shop na pinagtatrabahuhan ng kaniyang ama nang mangyari ang sunog sa Sitio Krusan Barangay Bulacao, Talisay City.

Nagising umano si Jonard nang marinig ang sigawan, at pumunta sa lugar na pinangyayarihan ng sunog upang tumulong.

Sa isang video na kuha sa kasagsagan ng sunog, makikita si Jonard na tumutulong sa mga bumbero sa paghila ng firehose.

Ngunit habang kinukuha niya ang hose, nasagi niya ang nakalambiting live wire at dito na siya biglaang natumba.

Isinugod agad siya sa ospital ngunit binawian na ito ng buhay.

Kasama umano sa iniimbestigahan ng Talisay City Fire Station ang pagkamatay ni Jonard.

Umabot sa 12 bahay ang tuluyang natupok ng apoy, ay  may 16 na iba pa na bahagyang napinsala. Aabot naman sa P1.5 milyon ang halaga ng pinsala sa ari-arian.

Inaalam ng mga bumbero ang sinabi ng ilang nasunugan na nagsimula raw ang apoy sa isang poste ng kuryente.

Nagbigay naman ng tulong ang lokal na pamahalaan at ang barangay sa pamilya ni Jonard, at sa mga naapektuhan ng sunog.

Ayon pa sa ulat, sasagutin din ng Talisay LGU ang pagpapalibing kay Jonard. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News