Patay ang isang pulis na pauwi na galing sa trabaho matapos sumalpok ang minamaneho niyang motorsiklo sa lumilikong SUV sa Bantay, Ilocos Sur.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Shandrex Lopez, 27-anyos, mula sa Isabela.

Ayon sa pulisya, pauwi na mula sa duty ang biktima nang sumalpok ang motorsiklo nito sa isang SUV na dahan-dahan lumiliko sa national highway sa bahagi ng Barangay Cabalanggan.

Sa kuha ng CCTV camera sa lugar, makikita ang pagmenor ng SUV habang tumitiyempo para makapunta sa kabilang bahagi ng highway.

Pero maya-maya lang, dumating na ang biktima at tumama sa SUV. Sa lakas ng pagkakabangga, makita ang pag-uga ng SUV at tumilapon ang rider.

Nagtamo umano ng matinding sugat sa ulo at pinsala sa dibdib si Lopez na kaniyang ikinamatay.

Ayon naman sa driver ng SUV na nakadetine sa himpilan ng pulisya, pinapara umano ng guwardiya at isang pulis sa lugar ang rider pero hindi raw tumigil dahil sa bilis ng takbo nito.

"Nagmamakaawa kami talaga na sana iano na kasi wala namang may kagustuhan ng nangyari," pakiusap ng driver.

Pero desidido ang mga magulang ng biktima na magsampa ng kaso para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanilang anak.--FRJ, GMA Integrated News